
Kumpiyansa ang Deputy Prosecutor of the International Criminal Court na ang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay susulong sa paglilitis kasunod ng pagtatapos ng pagdinig ng confirmation of charges sa The Hague kahapon.
Sinabi ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, para sa confirmation of charges, ang kailangan lamang nila ay magprisinta ng sapat na basehan para paniwalaan ito ng ICC, at naniniwala siya na nakapagbigay sila ng sapat na ebidensiya laban kay Duterte.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Niang na hindi pa isinailalim sa cross-examination ang mga testigo, dahil gagawin ito sa mismong paglilitis.
Idinagdag niya na batay sa kanilang imbestigasyon at base sa mga ebidensiya, kumpiyansa sila na madadala sa trial ang kaso.
Sa issue naman ng pahayag ng depensa na walang “smoking gun,” o direktang utos para pumatay mula kay Duterte, iginiit ni Niang na malakas ang kanilang kaso at nasa kamay na ng mga judge ang pagpapasiya.










