Nahaharap ngayon sa reklamong inciting to sedition ang isang pulis na nag-viral online kaugnay sa kanyang mga post sa social media tungkol sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang pulis na si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas.

Inihain ng Quezon City Police District (QCPD) ang reklamong inciting to sedition sa ilalim ng Article 142 of the Revised Penal Code may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay Fontillas sa Quezon City Prosecutor’s Office. 

Itinalaga si Fontillas sa District Personnel and Holding Admin Section buhat noong February 20, 2025 subalit nag-absent without official leave (AWOL) buhat noong March 6, ayon sa PNP.

Sa post sa kanyang Facebook account, kinuwestion ni Fontillas ang reklamo na inihain laban sa kanya at iginiit na inihayag lamang niya ang kanyang pananaw at prinsipyo sa issue.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinost din niya ang kopya ng kanyang application for leave, kung saan sinabi niya na naghain siya ng kanyang bakasyon na 10 araw noong March 5, March 6 hanggang 19, na inaprobahan at nilagdaan ng kanilang chief administrator.

Idinagdag pa niya na kasama niya ang kanyang asawa nang maghain siya ng bakasyon.

Iginiit ng PNP ang zero tolerance para sa political bias sa kanilang hanay at pinaalalahanan ang lahat ng personnel na manatiling apolitical at itaguyod ang pinakamataas na ethical standards sa kanilang official duties at personal conduct kabilang ang kanilang presensiya sa social media.