
Isang pulis, police asset at isang journalist ang kabilang sa 11 na suspek na kinasuhan sa brutal na pagpatay sa isang pulis na nakita ang bangkay sa loob ng septic tank sa Malolos City mahigit isang linggo ang nakalipas.
Sinabi ni Police Brig. General Ponce Rogelio Penones, Jr., regional director ng Police Regional Office (PRO) 3, kabilang sa mga kinasuhan sa City Prosecutor’s Office sina Police Corporal Vivencio Abalos ng Malolos city police station; Julian Salamat, alias Mon, isang police informer at umano’y gunman; Orland Mauricio, alias “Orly,” correspondent ng national newspaper at publisher ng Bulacan paper; at anak ni na si Oliver Paul Mauricio alias “Sampol,” may-ari ng kubo, na nasa limang metro lang ang layo mula sa septic tank kung saan inilibing ang pulis.
Kabilang din sa mga kinasuhan sina Nick James Comboy, alias NJ; Arvin Santiago, alias RV; alias Egoy/Echo; alias Jon-jon; alias Marvin at dalawa pang hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ang pagsasampa ng kaso ay matapos na maaresto sinabi Abalos, Oliver Paul, Comboy at Santiago, matapos na madiskubre ang halos naaagnas nang bangkay ni Police Staff Sgt. Renato Casauay Jr., anim na araw matapos na iulat siyang nawawala.
Kaugnay nito, inihahanda na ni Mauricio, ang correspondent ng provincial newspaper sa Bulacan ang kanyang counter affidavit, kung saan mariin niyang pinabulaanan ang kanyang partisipasyon sa nasabing krimen.
Ayon sa kanya, hindi sa kanya ang ari-arian kung saan binaril si Casauay at itinapon sa septic tank.
Sa nakuhang closed-circuit television (CCTV) footage ng mga pulis at ipinakita sa media, makikita na dumating si Casauay sa terminal ng tricycle sa bakanteng lote malapit sa kubo.
Habang naglalakas si Casauay palapit sa kubo, pinagbabaril siya ng anim na beses.
Maririnig sa video ang sinabi ng isa sa mga suspek na ipinag-utos na agad na itapon ang katawan ng biktima para hindi kumalat ang kanyang dugo.










