
Magpupulong ang mga senador sa isang caucus upang ilatag ang mga “ground rules” at parametro sa planong pakikipagdayalogo sa Chinese Embassy hinggil sa tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, layunin ng caucus na matiyak na magiging maayos ang daloy ng usapin at maiwasan ang anumang alitan sa pagitan ng mga mambabatas. Bukas din ang pagpupulong para sa mga miyembro ng minority bloc.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pahayag ni Ambassador Jing Quan na handa ang embahada na makipag-usap sa mga lider ng Pilipinas upang palamigin ang tumitinding isyu sa WPS.
Samantala, binigyang-diin ni Lacson ang responsibilidad ng pamahalaan at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na protektahan ang mga residente sa Pag-asa Island, kung saan naninirahan ang halos 500 Pilipino.










