Itinanggi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nagkaroon siya ng transaksyon kay dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na iniimbestigahan at nadidiin ngayon sa mga ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.

Inamin ni Villanueva na kakilala niya si Alcantara dahil ito’y kababayan niya pero hindi siya kailanman nagkaroon ng transaksyon dito dahil hindi naman siya nagpondo ng flood control project.

Giit ng senador, bahagi ito ng demolition job at modus operandi para iugnay siya kay Alcantara na nakitang kasama niya at ng kanyang kapatid sa mga litrato at sa ilang video sa mga public events sa Bulacan.

Handa rin ang mambabatas na magbahagi ng video at larawan na magpapakita na hindi lang siya ang opisyal ng pamahalaan na kasama ni Alcantara sa ilang official events.

Kaya tanong ni Villanueva ay bakit siya lamang ang itinuturo at idinidiin sa isyu.

-- ADVERTISEMENT --