
Pinaiigting ng Tricycle Regulatory Unit (TRU) ng Tuguegarao ang kampanya para sa mga tricycle driver sa lungsod, kabilang ang pagkilala sa mga tapat na nagsasauli ng naiwang gamit ng pasahero.
Ayon sa TRU Tuguegarao Head Dr. Rey Ferrer, binibigyan ng certificate of recognition at cash incentives mula ₱500 hanggang ₱2,000 ang mga driver, depende sa halaga ng naisauling gamit.
Lahat ng naibalik ay itinatala sa ahensya, at may pormal na proseso kung saan pumipirma ang may-ari bilang patunay.
Isa sa mga kinilalang halimbawa ay si Sherwin Tabulayan mula Ugac Norte at Ugac Sur, na dalawang beses nang nagsauli ng pera sa kanyang tricycle.
Kasabay ng pagkilala, patuloy ang TRU Tuguegarao sa subsidy program para sa mga driver, bagama’t nagkakaroon ng pagkaantala sa listahan ng benepisyaryo dahil sa hindi agad na pagsusumite ng dokumento ng ilang driver.
Kaya nananawagan ang TRU sa mga tricycle driver na makipag-ugnayan sa kanilang TODA president upang maisama sa listahan ng makatatanggap ng tulong.
Ang programa ay bahagi ng pagsisikap ng TRU Tuguegarao na ipakita na marami pa ring disiplinado at mapagkakatiwalaang tricycle driver sa lungsod.










