Nagpaabot na ng tulong pinansyal ang pamilya ng suspect-driver na si Dan Vincent Domingo, sa mga pamilya ng siyam na nasawing mga biktima ng aksidente sa Brgy. San Lorenzo, Lal-lo, Cagayan nitong Sabado, Febrero 5 ngayong taon.

Sa panayam kay Brgy. Chairman Vicente Tiu, nagkaroon na ng pormal na pag-uusap sa barangay ang pamilya ng magkabilang panig kung saan bukas ang pamilya ng mga biktima sa tulong na ibinigay ng kampo ni Domingo.

Sinabi pa niya na nagpahayag ng pagtanggap ang panig ni Domingo para sa karagdagan pang mga hakbang na kakailanganin para sa ikakaayos ng nasabing usapin habang nasa pagpapasya na rin ng pamilya ng mga nasawing agta kung magsasampa sila ng kaso.

Kaugnay nito ay sinagot na rin ng LGU Lallo ang mga gastusin sa pagpapalibing sa siyam na nasawi habang pinag-uusapan na rin ang karagdagan pa na ibibigay sa mga naulilang pamilya at maging sa mga may-ari ng bahay na nasira matapos ang insidente.

Ang mga kapamilya ng mga nasawi na nagpositibo sa COVIOD-19 sa isinagawang antigentest ay kasalukuyan na ring naka-isolate sa ngayon.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa PNP Lallo ay nasa pagamutan pa rin ngayon si Domingo kung saan nakabitan ng mga mechanical ventilators na indikasyon na malubha ang kondisyon.