Dumating na si Vice President Sara Duterte sa Amsterdam kaninang madaling araw, ilang sandali matapos na ipasok ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague Penitentiary Institution para harapin ang paglilitis sa International Criminal Court sa kasong crimes against humanity.
Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na dumating si Sara Duterte sa Amsterdam kaninang pasado 2 a.m., oras sa Pilipinas.
Nakatakdang makipagpulong si Sara sa kanyang mga abogado para makakuha ng pahintulot na makita ang kanyang ama na ngayon ay nasa prison facility sa The Hague habang hinihintay ang paglilitis sa kanyang kaso, may kaugnayan sa war on drugs noong panahon ng kanyang administrasyon.
Inaasahan din na pagkakalooban si Sara ng media interview sa The Hague bukas.
Umalis si Sara papuntang Netherlands kahapon ng umaga.
Binigyan din ang kanyang kapatid na si Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte ng travel clearance para sa personal trip sa Japan at papuntang Netherlands.