
Maaaring isa ang laban nina Jarrell Miller at Kingsley Ibeh na hindi makakalimutan ng boxing fans.
Sa gitna kasi ng palitan ng mga suntok sa heavyweight fight, natuklap ang wig ni Miller sa laban na ginanap sa Madison Square.
Nagpakawala ng sunod-sunod na suntok si Ibeh, at isang right uppercut ang tumama kay Miller na nagpaangat sa kaniyang ulo, at dahilan upang umangat din ang kaniyang buhok na wig pala.
Nakaligtas si Miller sa naturang round, maging ang kaniyang wig na hindi tuluyang natanggal pero nakita ng mga manonood ang kalbong tuktok ng kaniyang ulo.
Matapos ang naturang round, tuluyan nang inalis ng 37-anyos na boksingero ang kaniyang wig, itinaas sa ere, at saka inihagis sa mga tao, at ipinagpatuloy ang laban.
Nagbiro si Miller na dalawang araw pa lamang ang nakalipas mula nang malagas ang kaniyang buhok matapos niyang mapagkamalang shampoo ang isang bote ng bleach.
Ayon sa kanya, nangyari ito nang pumunta siya sa bahay ng kanyang ina, kung saan may nakita siyang bote ng mga shampoo, subalit ang kanyang nakuha ay bote ng bleach.
Sa kabila ng insident, nanalo si Miller via split decision sa iskor na 97-93, 97-93 at 94-96.










