TUGUEGARAO CITY-Agad isinailalim sa 14 day quarantine ang dalawang Barangay tanod na nakasalamuha ng panibagong nagpositibo sa coronavirus (covid-19) mula sa bayan ng Baggao.
Ayon kay Barangay Captain Czar Pattung ng Brgy. Remus, ang dalawang barangay tanod ang tumulong sa pasyente matapos mawalan ng malay habang nasa palayan.
Inabisuhan na rin aniya ang kanilang residente na manatili lamang sa kanilang tahanan matapos isailalim sa 14 day lockdown ang kanilang lugar.
Aniya, tanging ang mga may quarantine pass lamang ang maaring lumabas sa kanilang bahay para bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain.
Nanawagan na rin ang kapitan sa mga nakasalamuha ng pasyente lalo na ang kanyang mga customers sa pagbebenta ng karne ng baboy na magself-quarantine.
Nabatid na ang pamilya ng pasyente ay kasalukuyang nasa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Samantala,sinabi ni Pattung na ngayong araw, Abril 28,2020 ay nakatakdang magtungo sa lugar ang Department of Heath (DOH) para magsagawa ng disinfection.