TUGUEGARAO CITY- Duda ang ina ng isang empleyado ng Department of Agriculture(DA)Region II na nagpakamatay ang anak sa pamamagitan ng pagbigti sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam kay Susan Bantolinao, ina ng biktimang si John Michael Bantolinao, 24-anyos at residente ng Brgy. Taguing, Baggao, ito’y dahil wala umanong sinasabi na problema ang anak.
Kwestyonable rin kay Susan kung bakit hindi tinawagan ng mga kasama ng anak sa boarding house ang kapatid nito na nandito sa Tuguegarao gayong alam naman umano ng mga ito na may kapatid si Bantolinao sa lungsod.
Dahil dito, sinabi ni Susan na mag-rerequest siya ng autopsy para malaman ang tunay na nangyari sa anak.
Nabatid na dalawang taon nang nagtatrabaho si Bantolinao sa DA region II.
Una rito, natagpuan umanong wala ng buhay si Bantolinao ng kanyang boardmate na si Jaybie Guinicud sakanilang kwarto na nakabitin umano gamit ang necktie sa Brgy Balzain West.