Patuloy na humihina ang northeast monsoon o hanging Amihan, na nakakaapekto na lamang ngayon sa hilaga at gitnang bahagi ng Luzon ayon sa state weather bureau.

Iniulat ni weather forecaster Chenel Dominguez na inaasahang iiral na lamang ang amihan sa Extreme Northern Luzon bukas, Huwebes, Marso 18, kaya malaking parte ng bansa ang makakaranas na ng mainit at maalinsangang panahon.

Matatandaan na noong nakalipas na weekend nakaranas ang bansa ng pambihirang cold surge ngayong Marso, na nagresulta sa mababang temperatura sa maraming lugar.

Maaari pa ring maranasan ang malamig na panahon lalo na sa gabi hanggang madaling araw, sa Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at Metro Manila.

Inaasahan din ang mahihinang pag-ulan sa Batanes, Cagayan at Isabela, habang ang nalalabing parte ng bansa ay makakaranas ng mainit at tuyong panahon na may kasamang isolated showers o thunderstorms sa hapon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, wala pang deklarasyon mula sa weather bureau sa pagtatapos ng Amihan season. Base datos simula 2010, nagu-umpisa ang mainit at tuyong klima sa ikalawang bahagi ng buwan ng Marso.