Apat na Pilipino na nakipaglaban umano para sa Russia ang hawak ngayon ang Ukraine at itinuturing silang prisoners of war, kasama ang kaso ni Raymon Gumangan, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sinabi pa ni DFA spokesperson Angelica Escalona, na isa ring Pilipino ang nasawi sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Escalona, may iba’t ibang impormasyon na natatanggap ng DFA kung papaano na-recruit ang mga Pinoy.

Gayunman tumanggi siyang magbigay ng mga detalye ukol dito.

Una rito, hiniling ni Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na tulungan si Gumangan na makalaya mula sa pagkakabihag ng Ukraine.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit ipinaliwanag ng DFA na komplikado ang sitwasyon ng mga naturang Pinoy dahil hindi bahagi ng kaguluhan sa Ukraine ang Pilipinas.

Ipinaalam na rin umano ng DFA sa parehong pamahalaan ng Ukraine at Russia ang sitwasyon ni Gumangan.

Nagpaalala rin ang DFA sa mga Pinoy na maging maingat sa pagtanggap ng trabaho sa abroad na nakikikitang iniaalok online.

Nakipag-ugnayan na si Tulfo kay Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv para sa kaso ni Gumangan. Nangako naman ang embahador na tutulong para maiparating ang kahilingan ng bansa at pamilya ni Gumangan.