Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi kasama si dating presidential spokesperson Harry Roque sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni VP Sara na nais nilang iwasan ang mga komplikasyon dahil sa hindi malinaw ang basehan ng pananatili ni Roque sa The Netherlands.

Ayon kay VP Sara, gusto nilang matutukan ng legal team ang kaso ng kanyang ama.

Sinabi ito ni VP Sara matapos na ihayag kahapon ni Roque na maghahain siya ng aplikasyon para sa asylum sa The Netherlands.

Kasabay nito, sinabi ni VP Sara na nakatakdang umalis si dating executive secretary Salvador Medialdea mula sa counsel sa sandaling maisapinal na ang legal team dahil limitado lang umano ang slots para sa nasabing lupon.

-- ADVERTISEMENT --

Kahapon ay kinuha ng ambulansiya si Medialdea mula sa Hague Penitentiary Institution.

Kinumpirma ni VP Sara na si British-Israeli lawyer Atty. Nicholas Kaufman ang mangunguna sa legal counsel, at may kakausapin pa umano siyang ibang abogado.

Samantala, sinabi ni Sara na palaging sinasabi sa kanya ng kanyang ama na bumalik na siya ng Pilipinas.

Ayon sa kanya, tumutulong lamang siya sa kanyang ama sa pagbuo ng legal team.

Kaugnay nito, sinabi niya na maayos namang kalagayan ang kanyang ama.