TUGUEGARAO CITY-Huli ang isang babae sa entrapment operation ng Pnp-Buguey dahil sa pangingikil ng mga nais pumasok sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Pcapt Joel labasan, hepe ng PNP-Buguey, nagtungo sa kanilang himpilan si Alma Ramirez, Municipal Local Government Operations Officer ng Allacapan kung saan kanyang inireport ang paggamit ng suspek na si Arlen Malazzab,21-anyos ng Brgy Paddaya west ng kanyang pangalan para mangikil ng mga aplikante.

Nakontak naman ang suspek sa pamamagitan ng facebook kung saan nagpanggap na aplikante ang isang pulis.

Pumayag ang suspek na makipagkita sa Brgy Centro, Buguey kung saan hinihingan nito ang nagpanggap na pulis ng P25,000 at nang magkaabutan ng pera, dito na hinuli ang suspek.

Sinabi ni Labasan na nakilala ni Ramirez ang suspek dahil naging saleslady nila ito sa kanilang negosyo sa Barangay Magapit, Lal-lo.

-- ADVERTISEMENT --

Lumutang naman ang isa nitong biktima na mula sa bayan ng Lal-lo kung saan hiningan niya ito ng P10,000 at pinangakuhan na ilalapit sa mga matataas na opsiyal para makapasok sa hanay ng PNP kung saan nakapagbigay ito ng P7,000 bilang paunang bayad.

Sa ngayon, hawak na ng PNP-Buguey ang suspek at nahaharap sa kasong estafa.