TUGUEGARAO CITY-Konsensya sa pananakit sa ama ang nakikitang dahilan sa pagbigti-patay ng isang binata sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Elorde Vital, imbestigador ng kaso, bago natagpuan si Mark Anthony Tapia, 23-anyos ng Brgy. Palagao na nakabitin at wala ng buhay sa kanilang kisame ay nakipag-inuman pa ito sa kanilang mga kamag-anak kasama ang kanyang ama.

Nang malasing, nasampal umano nito ang kanyang ama sa harapan ng kanilang mga kainuman dahil sa hindi mabatid na dahilan.

Dahil dito, hindi na pinayagan ng kanilang kaanak na umuwi ang kanyang ama sa kanilang bahay dahil sa takot na baka bugbugin niya ito.

Sinabi ni Vital na kinaumagahan ay nagtungo ang kaibigan ni Mark sa kanilang bahay para yayain sanang manghuli ng kiwet ngunit laking gulat nito nang makitang nakabitin na sa kisame ang biktima gamit ang plastic rope.

-- ADVERTISEMENT --

Sinubukan namang isugod sa pagamutan si Mark pero idineklarang dead-on-arrival ng umasikasong duktor.

Wala umanong nabanggit na problema ang biktima sa kanyang mga kaibigan maging sa kanyang ama bago ang pagpapakamatay nito kaya’t posibleng nakonsensiya ito sa ginawa sa ama na maaring nag-udyok sa kanya para magpakamatay.

Tinig ni Police Chief Master Sergeant Elorde Vital