
Nagsumite ang Bureau of Customs (BOC) ng anim na draft ng reklamong kriminal laban sa tatlong consignee sa Department of Finance (DOF) kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Ayon sa BOC, nag-ugat ang mga reklamo sa serye ng seizure operations noong Hunyo 2025. Lumalabag umano ang mga consignee sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Tinatayang aabot sa P90 milyon ang halaga ng mga nasabat na produkto batay sa price index ng Department of Agriculture.
Kabilang sa mga nasamsam ang ilang shipment ng puting sibuyas at carrots na dumating noong Hunyo 13 at 21, 2025 na nagkakahalaga ng P27,065,380.60; hiwalay na shipment ng frozen mackerel na dumating noong Hunyo 21 na may halagang P43,823,940.60; at isa pang shipment ng sariwang carrots at frozen mackerel na dumating noong Hunyo 13 na nagkakahalaga ng P19,391,377.20.
Hindi pinangalanan ng ahensya ang mga consignee ngunit sinabi nitong nagsimula na rin ang administrative actions laban sa mga sangkot na personnel alinsunod sa umiiral na civil service laws at regulasyon.
Ang mga reklamong inendorso sa DOF ay daraan pa sa review at approval bago ihain ang kaukulang kaso sa Department of Justice.
Iginiit ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na papanagutin ang mga sangkot sa ilalim ng buong bigat ng batas upang maprotektahan ang mga magsasaka, lokal na industriya, at integridad ng hangganan ng bansa.










