Nasawi ang isang construction worker matapos na makuryente at mahulog sa ginagawang tatlong palapag na gusali sa pamilihang bayan ng Camalaniugan, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Loreto Ligad, 27-anyos at residente ng Brgy Felipe Tuzon sa naturang bayan.

Ayon kay PMSGT Marvin Lorenzana, imbestigador ng PNP-Camalaniugan, nasa third floor ang biktima at may hawak na rod o bakal nang tumama ito sa primary high tension wire na nasa poste ng CAGELCO-2, dakong alas-11:00 ng umaga.

Matapos makuryente ay nahulog ang biktima mula sa ikatlong palapag ng ginagawang commercial building na may taas na siyam na metro.

Nasawi ang biktima matapos ang ilang oras na gamutan sa isang ospital sa Lungsod ng Tuguegarao.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nakahanda ang pribadong may-ari ng gusali na magbigay ng tulong sa pamilya ng naulilang biktima.