Nanawagan ang ilang magsasaka sa lalawigan ng Cagayan na madagdagan pa ang fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na direktang nakaaapekto sa kanilang produksyon sa bukid.

Sa panayam ng Bombo News Team kay Eduardo Dato, isang magsasaka mula sa Barangay Roma Sur, Enrile, sinabi nito na bagama’t malaking tulong ang ipinagkakaloob na ₱3,000 fuel subsidy ng pamahalaan, hindi pa rin umano ito sapat upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa diesel na ginagamit sa kanilang mga makinarya sa pagsasaka.

Ayon kay Dato, ginagamit nila ang diesel hindi lamang sa water pump para sa patubig ng palayan kundi pati na rin sa tractor at iba pang kagamitang pangsaka.

Dahil sa mataas na presyo ng petrolyo, napipilitan umano silang mag-adjust sa kanilang pamamaraan ng pagsasaka, kabilang na ang pagbabawas sa paggamit ng tubig sa kanilang palayan upang makatipid sa konsumo ng diesel.

Dagdag pa niya, isa rin sa kanilang kinahaharap na hamon ang limitasyon sa pagbili ng diesel sa ilang gasolinahan kung saan hanggang 10 litro lamang ang pinapayagang ilagay sa mga container.

-- ADVERTISEMENT --

Umaasa naman ang mga magsasaka na mabibigyan pa ng karagdagang suporta mula sa pamahalaan, lalo na sa pamamagitan ng dagdag na fuel subsidy upang makatulong sa patuloy nilang produksyon sa bukid.

Sa kabila nito, bukas din ang ilang magsasaka sa alternatibong solusyon tulad ng paggamit ng solar-powered water pump na isinusulong ng Department of Agriculture, subalit aminado silang kinakailangan pa rin ng sapat na pondo upang maisakatuparan ito.

Sa ngayon, patuloy ang panawagan ng sektor ng agrikultura sa pamahalaan na mas mapalakas ang suporta sa mga magsasaka upang mapanatili ang produksyon ng pagkain sa gitna ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.