
Naaresto na ang dalawa sa tatlong suspek na sangkot sa kasong robbery at pagpaslang sa tatlong indibidwal na kabilang sa tribong Maranao sa Brgy. Sta. Teresa, Lallo, Cagayan.
Ang mga suspek na kinilalang sina alyas Fred, 31, at alyas Rod, 48, ay nadakip sa isang hot pursuit operation sa Brgy. San Juan, Buguey, Cagayan.
Ayon sa Police Regional Office 2 (PRO 2), nakumpiska mula sa mga suspek ang mga armas tulad ng 9mm pistol, M16 rifle na may buradong serial number, mga magazine, bala, improvised firearms, rifle grenade, at mga cellphone na kasalukuyang sinusuri.
Nagsagawa rin ng ocular inspection ang mga pulis sa lugar ng insidente at sa sasakyan ng mga biktima upang makuha ang CCTV footage at makakalap pa ng karagdagang impormasyon.
Dalawa pang saksi mula Tuguegarao City ang dinala sa police station para sa kumpirmasyon sa pagkakakilanlan ng mga naarestong suspek.
Tiniyak ng PRO 2 na hindi titigil ang kanilang operasyon hanggang sa mahuli ang iba pang posibleng sangkot sa krimen.
Hinihikayat din ang publiko na tumulong sa pagbibigay ng impormasyon para mapabilis ang imbestigasyon.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtutulungan ng kapulisan upang makamit ang hustisya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.










