
Nag-aalok ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng libreng serbisyong digital para sa mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon sa ilang bansa sa Middle East.
Ayon kay Mina Flor Villafuerte ng DICT Region 2, bukas ang kanilang tanggapan sa Regional Office sa Tuguegarao City, Cagayan, at mga tanggapan sa lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino at Batanes upang tumulong sa mga pamilyang nais makipag-ugnayan sa kanilang mga mahal sa buhay sa ibang bansa.
Kabilang sa mga serbisyong inaalok nang libre ang paggamit ng internet para sa komunikasyon, libreng paggamit ng mga computer at iba pang digital devices para sa mga nais tumawag o makipag-ugnayan online sa kanilang mga kaanak sa ibang bansa.
Wala namang itinakdang oras ang kasalukuyang operasyon, ngunit pinag-uusapan pa kung magiging 24 oras ang serbisyo.
Nakatuon rin ang DICT sa seguridad at privacy ng mga gumagamit, kung saan ang lahat ng empleyado ay nakapirma sa non-disclosure agreement, at may mga patakaran sa pagdadala ng mga valid IDs o iba pang proof of relationship upang mapanatili ang seguridad at ma-validate ang mga koneksyon.










