TUGUEGARAO CITY-Posible umanong nakaidlip sa byahe ang driver ng ihahatid na bagong ambulansya sa Cagayan ang dahilan ng pagsalpok nito sa sinusundang elf truck na nagresulta sa kanyang pagkasawi sa Alicia, Isabela kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Jurezz Mark Perpetua, 33 anyos, driver ng supplier ng ambulansya at residente ng Bagong Silang, Caloocan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT. Louie Jay Felipe, deputy chief of police ng PNP-Alicia na kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng lansangan sa bahagi ng Alicia-San Mateo road na sakop ng Brgy. Salvacion nang biglang sumalpok ang ambulansya sa elf truck na minaneho ni Jose Cabauatan mula Echague, Isabela.

Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis ang patakbo ng driver ng ambulansya habang nasa minimum speed ang patakbo ng elf truck na may kargang mahigit 100 bags ng feeds.

Sa lakas ng pagsalpok ay nayupi ang harapang bahagi ng DOH-ambulance habang tumilapon ng 15-metro sa palayan ang elf.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Felipe na agad binawian ng buhay ang driver ng ambulansya habang nasa maayos namang kalagayan ang driver ng elf kasama ang isang pahinante nito.

Nabatid na tatlong ambulansya ang ihahatid sa Cagayan at pawang matulin ang patakbo ngunit naunang nag-overtake ang dalawang sa elf truck.