Nakumpleto na ng Philippine Navy ang forensic analysis ng isa sa mga drone na narekober sa Calayan Island dito sa Cagayan kung saan sinasabing naglalaman ito ng bathymetric data gaya ng salinity, temperature, sound signatures at iba pang katangian ng isang anyong tubig.

Sinabi ni Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, Navy spokesperson for the West Philippine Sea na ang nakolektang datus ay maaaring magamit sa iba’t ibang larangan kasama na ang militar.

Gayunpaman, hindi pa ibinunyag ni Trinidad ang pinagmulan ng drone at kung saan maaaring ipadala ang data na nakolekta nito ngunit malapit na umano nilang matukoy ang receiver.

Nauna niyang inilarawan ang drone bilang uri ng deploy and forget na nagpapadala lamang ng impormasyon sa mothership.

Inihayag ng opisyal na tila sinisikap na i-map out ang maritime domain ng bansa, maging ang ating human terrain, ang ating political system at ang ating kritikal na imprastraktura nang tanungin ukol sa mga implikasyon ng mga na-recover na drone sa pambansang seguridad.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na dalawa sa kabuuang limang underwater drone na narekober ng mga otoridad sa Pilipinas noong nakalipas na taon ay natagpuan sa bahagi ng isla ng Calayan.

Noong nakaraang linggo, inaresto ng mga otoridad ang isang Chinese national at dalawang Filipino dahil sa umano’y espionage activities na nagta-target sa mga military sites at power installations sa bansa.