
Inihayag ng dating LandBank Department of Education (DepEd) branch manager na si Nenita Camposano na nailabas ang kabuuang ₱112.5 milyong cash kay dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda kahit wala umanong dokumentong nagpapatunay na siya ang itinalagang tumanggap ng naturang pondo.
Sa ikasampung araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Camposano na ipinroseso ng bangko ang tatlong tsekeng nagkakahalaga ng tig-₱37.5 milyon dahil si Fajarda ang nakapangalan bilang payee at nagpakita lamang ng kanyang identification card.
Kinuwestiyon ni Senator-judge Raffy Tulfo ang naging proseso ng bangko at iginiit na ayon sa umiiral na COA circular, dapat may pormal na dokumentong nagtatalaga sa isang Special Disbursing Officer upang makapag-encash ng confidential funds.
Kinumpirma naman ni Camposano na wala silang natanggap na ganoong dokumento.










