Pumanaw na ang hepe ng Santa Ana Municipal Police Station ilang oras matapos maaksidente ang kanyang Toyota Vios na sasakyan nitong hapon ng Martes sa Sitio Limbus, Brgy. Rapuli, Sta Ana, Cagayan.

Ito ang kinumpirma ni PCapt Sheila Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang hepe na si PMAJ. Ranolfo Gabatin.

Sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ni Gabatin ang hilagang direksyon ng kalsada kung saan nasa unahan nito ang Toyota Hi-Ace Commuter Van na minamaneho ni Joseph Munzon, 56-anyos, magsasaka, at residente ng Sitio Racat Brgy. Rapuli sa naturang bayan.

Nagawa pa umanong bumusina at mag-signal upang mag-overtake si Gabatin dahil sa mabagal na pagpapatakbo ng Van.

Subalit nang makalampas na sa van at akmang babalik na sana sa dating linya ang hepe, bigla na lamang binilisan ng van ang takbo nito dahilan upang mabangga nito ang likurang bahagi ng sasakyan ng hepe hanggang sa mawalan ito ng kontrol sa kanyang sasakyan at bumaligtad.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng malalang pinsala sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima matapos ang aksidente.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang mga malalapit na kaibigan at katrabaho ng biktima na itinuturing nilang haligi sa serbisyo publiko.