Bahagyang binuksan ng Iran ang airspace sa silangang bahagi ng bansa matapos ang isang ceasefire o tigil-putukan sa pagitan nila ng Israel, ayon sa ulat ng state media.

Matatandaang isinara ng Iran ang kanilang himpapawid simula Hunyo 13 matapos ilunsad ng Israel ang malawakang pambobomba na sinagot naman ng Iran sa pamamagitan ng sunud-sunod na missile strikes.

Nagsimula ang ceasefire nitong Martes at agad itong nagresulta sa muling pagbubukas ng ilang bahagi ng airspace.

Ayon kay Majid Akhavan, tagapagsalita ng transport ministry, ang airspace sa silangang bahagi ng bansa ay muling binuksan para sa mga international overflights at mga domestic at international flights na ang pinanggalingan o destinasyon ay mga paliparan sa silangang Iran.

Kabilang sa mga muling binuksang paliparan ang Mashhad airport, na sinabing isa sa mga tinarget ng Israel noong labanan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukas na rin ang mga paliparan sa Chabahar, Zahedan, at Jask.

Gayunman, nilinaw ni Akhavan na nananatiling sarado ang mga paliparan sa ibang bahagi ng bansa, kabilang ang kabisera na Tehran, hanggang sa susunod na abiso.