Ihahain na anumang araw ngayong linggo sa Kamara ang isang resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon sa pagbagsak ng kabubukas na tulay sa Isabela na ginastusan ng mahigit P1 bilyon.

Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, layon ng isinusulong na congressional inquiry na matukoy kung may nangyaring korapsyon sa konstruksyon ng Cabagan- Sta Maria Bridge.

Kabilang sa mga iimbitahan sa Kamara ang contractor ng tulay na R.D. Interior, Jr. Construction at mga naging kalihim ng Department of Public Works and Highways mula nang simulan ang proyekto noong 2014.

Hindi rin dapat isisi ang insidente sa flagman o sa pagdaan lamang ng isang dump truck na may kargang mga bato dahil bilyong piso ang inilaang pondo para rito at katatapos lamang na-retrofit o napalakas pa ang istruktura nito.

Naniniwala ang mambabatas na substandard ang mga ginamit na materyales at kailangang may managot sa insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Castro na mahalaga ang gagawing imbestigasyon upang makagawa ng panukalang batas na layong matiyak na naipatutupad ng maayos ang lahat ng proyekto ng pamahalaan.