
Pormal na hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mahistrado ng International Criminal Court (ICC) na payagan ang dating lider na makabalik sa Pilipinas upang makapiling ang kaniyang pamilya at mga kababayan.
Sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig sa The Hague, inilatag ni Atty. Nicholas Kaufman, ang lead defense counsel ni Duterte, ang emosyonal na apela bilang bahagi ng kanilang estratehiya sa pagtatanggol sa dating punong ehekutibo.
Sa kaniyang manipestasyon sa hukuman, ginamit ni Kaufman ang bansag na “Tatay Digong” upang bigyang-diin ang ugnayan ng dating pangulo sa kaniyang mga taga-suporta.
Binigyang-diin ng abogado ang mariing panawagang, “Give him back to his family,” na naglalayong iparating sa pandaigdigang tribunal ang sentimyento ng pamilya Duterte at ng kaniyang mga tagasunod sa bansa.
Ang naturang hakbang ng depensa ay ginawa kasabay ng crucial na confirmation of charges hearing, kung saan sinusuri ng ICC ang mga ebidensyang may kaugnayan sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.










