TUGUEGARAO CITY-Naputulan ng dalawang kamay ang isang 13-anyos na lalaki habang isang kamay naman ang kanyang ama matapos sumabog ang nadiskubreng vintage bomb sa kabundukang bahagi ng Brgy. Mission sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni PSSgt.Ulysses Saliganan ng PNP Sta Teresita na narekober ni Roldan Siruno,48-anyos ang bomba tatlong araw na ang nakalilipas na may haba na 12 inches at bigat na isang kilo na umano’y bala ng 60MM mortar.

Ayon kay Saliganan, hindi agad inireport ni Siruno ang narekober na bomba sa halip ay kanya itong iniuwi sa kanilang tahanan dahil sa pag-aakalang ito’y mapapakinabangan.

Ngayong araw ay napagdesisyunan ni Siruno na lagariin ang bomba kung kaya’t ito’y sumabog na dahilan ng kanilang pagkasugat kasama ang kanyang anak na si Mark Terrence Siruno, 13-anyos.

Sa ngayon, kasalukuyan ng nagpapagaling ang mag-ama sa Cagayan Valley medical Center (CVMC) habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.

-- ADVERTISEMENT --