Dead on arrival ang isang magsasaka habang nabalian naman ng paa ang kanyang kasama matapos bumangga ang kanilang sinakyang motorsiklo sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Kinilala ni PSSG Aubrey Barsabal, imbestigador ng PNP Amulung ang dalawang biktima na sina Marcelo Belon, 68 anyos at Artemio, 72 anyos na kapwa residente ng nasabing bayan.

Pauwi na sana ang dalawa galing sa sementeryo sa Anquiray upang gumawa ng puntod ng kapatid ni Belon na siyang driver ng motorsiklo.

Pagdating sa bahagi ng by pass road kung saan marami umanong nakakalat na gravel and sand ay nawalan ng kontrol si Belon sa minamaneho nitong motorsiklo dahilan upang tumilapon ang mga ito sa isang concrete barrier sa kalsada na may 2 metro ang layo.

Agad dinala sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor si Belon dahil sa kanyang tama sa dibdib habang ang kanyang angkas naman na si Artemio ay nabalian sa kanyang kanang paa.

-- ADVERTISEMENT --