Tiniyak ng pamahalaan na ginagawa nito ang lahat ng paraan para matulungan ang mga Pilipino na nagnanais na makauwi sa bansa, sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

Sa pinakahuling tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), umabot na sa 1,979 ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na humiling sa Migrant Workers Office para maiproseso ang kanilang repatriation.

Sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, pinakarami ang gustong ma-repatriate mula sa Kuwait (633 OFWs), Bahrain (312), at Abu Dhabi (285).

Mayroon din mga OFW mula sa Dubai (231), Qatar (173), Saudi Arabia (90), Israel (61), Lebanon (26), at Jordan (10).

Samantala, kaninang umaga, dumating na sa bansa ang unang batch ng mga Pilipino na inilikas ng gobyerno matapos maipit sa kaguluhan sa Middle East.

-- ADVERTISEMENT --

6:45AM nang lumapag sa NAIA Terminal 3 ang eroplano mula sa Dubai.

Sakay nito ang 299 Pilipino na karamihan ay mga stranded na travelers.

Mayroong pang mga bata at sanggol.

Sa naturang bilang, 23 ay OFWs habang dalawa ay anak ng OFW.

Sinalubong sila ni Cacdac, at mga kinatawan ng OWWA, DSWD, at DOH.

Tiniyak naman ng OWWA na may matatanggap na tulong ang mga inilikas na OFW.

Samantala, hindi pa masabi ng DMW kung kelan maiuwi sa bansa ang labi ng OFW na si Mary Ann De Vera na nasawi sa Israel.