
Tumangging magbigay ng komento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa mga umuusbong na espekulasyon para sa 2028 presidential elections, partikular na ang usapin sa posibleng tambalan nina Bise Presidente Sara Duterte at Senadora Imee Marcos, gayundin ang tambalang Leni Robredo at Risa Hontiveros.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pormal na deklarasyon ni VP Sara Duterte kahapon na tatakbo ito sa pagkapangulo, kung saan maikli lamang ang naging tugon ni Marcos na: “Good Luck.”
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, nananatiling nakatutok ang Punong Ehekutibo sa kanyang tungkulin at ayaw munang makisawsaw sa usaping politikal dahil malayo pa ang halalan.
Nilinaw ni Castro na prayoridad ng administrasyon sa ngayon ang pagtugon sa problema ng pagbaha at ang pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Kasabay nito, mariing pinabulaanan ng Malacañang ang mga ulat na “nililigawan” ng administrasyon si dating Bise Presidente at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo para maging kandidato sa 2028.
Ayon kay Castro, walang anumang hakbang o negosasyon ang Palasyo sa paghahanap ng pambato para sa susunod na eleksyon










