
Pinangunahan mismo ni Mayor Abe Bagasin ang Sanchez Mira, Cagayan ang pagtanggal ng mga pangalan ng mga pulitiko at mga opisyal ng pamahalaan maging ang kanyang pangalan sa mga proyekto, programa, aktibidad, mga pag-aari ng gobyerno.
Kasama ni Mayor Bagasin ang mga lokal na opiyal at mga barangay officials at iba pa sa nasabing aktibidad bilang tugon sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Tinanggal din ng mayor ang kanyang pangalan sa mga waiting shed na pinondohan mula sa sarili niyang bulsa noong hindi pa siya alkalde.
Sinabi ni Mayor Bagasin, na layunin ng hakbang na maghatid ng matapang na mensahe sa lahat ng mga mamamayan ng Sanchez Mira, na panahon na para maitama ang mga nakagawian sa pulitika ng buong pagpapakumbaba.
Batay sa “Anti-Epal Policy” ng DILG, inatasan ang lahat ng tanggapan nito at mga lokal na pamahalaan (LGU) na tanggalin ang pangalan at larawan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Ayon sa inilabas na kautusan ng DILG, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, mukha, logo, inisyal, color motif, slogan, o anumang simbolo ng mga pulitiko sa mga project signage, marker, at tarpaulin na gamit ang pondo ng bayan.
Iginiit ng DILG na ang mga programa at proyekto ng gobyerno ay nagmumula sa buwis ng taumbayan kaya hindi ito dapat gamitin bilang personal na billboard o paraan ng pag-aangkin ng kredito ng sinumang politiko.
Kaugnay nito, inatasan ang mga pinuno ng tanggapan na tiyaking mahigpit na ipatutupad at susundin ng kanilang mga nasasakupang yunit ang nasabing direktiba.









