
Kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III na ang mayorya ng Senado ang pumigil sa umano’y tangkang pagpapatalsik sa kanya bilang pinuno ng Mataas na Kapulungan.
Iginiit ni Sotto na solid ang suporta sa kanya ng karamihan ng mga senador.
Kaugnay nito, itinanggi rin ni Sotto ang mga espekulasyon hinggil sa umano’y “power sharing” arrangement nila ni Senator Loren Legarda.
Ayon sa Senate President, biro o katuwaan lamang ang mga pahayag na iyon at walang katotohanan.
Nauna namang isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na may mga pagtatangkang ialok ang posisyon ng Senate President kay Senator Legarda, bagay na nagpasiklab sa mga usap-usapang may galaw upang palitan si Sotto sa puwesto.
Sa kabila ng mga alegasyon, iginiit ni Sotto na nananatiling matatag ang kanyang pamumuno at walang naganap na pagbabago sa liderato ng Senado.










