Ang Chinese New Year ang pinakahihintay na holiday ng mga Chinese, hindi lamang sa China kundi sa buong mundo.
Tinatawag itong “Spring Festival” at “Lunar Year” at ibinabase ang petsa ng pagdiriwang sa Chinese lunar calendar.
Ang unang araw ng Chinese New Year ngayong 2025 ay January 29 at ito ang simula ng Year of the Wood Snake.
Ang New Year naman sa 2026 ay magsisimula sa February 17 at ito ang simula ng Year of the Horse.
Ang bawat Chinese New Year ay may itinatalaga na “the year of” ng isa sa 12 na hayop ng Chinese Zodiac, kung saan ang bawat hayop ay naglalarawan sa nasabing taon.
Ang Chinese New Year ang pinakamahalaga na taunang festival para sa mga tao na may Chinese ancestry sa buong mundo, at marami silang mga tradisyon na sinusunod.
Para sa marami, ito ay isang religious holiday, puno ng panalangin, offerings at marami pang iba.
Ang Chinese New Year ay ipinagdiriwang ng 15 araw, subalit ang unang tatlong araw ang pinakamahalaga.
Ang 15th at huling araw, ang tinatawag na Chap Goh Mei ay isa ring malaking event, kung saan ang mga bahay ay nilalagyan ng maraming makukulay at maliliwanag na mga dekorasyon at mga pailaw.
Ang gabi bago ang unang araw ng new year, nagkakaroon ng salo-salo ang mga pamilya at mayroon ding reunions.
Sa mga sumusunod na araw, lahat ay nag-iimbita ng mga kaibigan at maging mga estranghero para samahan sila sa kanilang salo-salo.
Ang iba pang Chinese New Year traditions ay kinabibilangan: “Yee Sang,” halo-halong gulay na itinatapon pataas gamit ang chopsticks para raw sa suwerte; pagsasabit ng “duilian,” naka-scroll na papel na may nakasulat na kataga mula sa sikat na mga tula ng China; pagdalo at panonood ng dragon dances; bigayan ng regalong pera na inilalagay sa maliit na pulang ang-pao packets; at panonood ng fireworks displays.
Narito naman ang ilan sa mga paniniwala ng mga Chinese sa Chinese New Year:
Bawal magwalis
Naging tradisyon na ng mga Chinese ang hindi pagwawalis sa araw na ito dahil senyales daw ito ng pagtaboy ng suwerte o kasaganaan.
Iniiwasan din nila ang pagtatapon ng basura sa labas dahil sa paniniwala nila na malas ito at maari nilang maitaboy ang suwerte sa loob ng kanilang bahay.
Bawal ang masasamang salita
Iniiwasan din ng mga Chinoy ang pagsasalita ng masama tuwing Lunar New Year period.
Isa sa mga masasamang salita na iniiwasan nila ay ang mga tungkol sa kamatayan, sakit, kahirapan, multo at iba pa.
Bawal maligo
Ang pagligo o pagbasa ng buhok sa araw ng Chinese New Year ay ipinagbabawal din, dahil sa parang hinuhugasan daw ang suwerte.
Samantala, ang Chinese New Year ngayong taon ay Year of the Wood Snake.
Sa kulturang Chinese, ang ahas ay simbolo ng pagtitiyaga, sigla, at pagkadalisay.
Ang ahas ay charming, matalino, at malikhain subalit malihim, tuso, at kung minsan ay marahas.
Kumikilos ito nang may kariktan at umaangkop sa kanyang paligid ng may tahimik na lakas at hindi matitinig ang focus.
Ayon sa mga astrologer, ang enerhiya ng ahas ay magpapasigla sa mga indibidwal na magpatupad ng mas maingat na diskarte sa paglutas ng mga problema.
Hindi tulad ng mapusok na ugali ng dragon, ang tahimik na disposisyon ng ahas ay humihikayat ng maingat na pagpapasya at pagbuo ng pangmatagalang mga estratehiya.
Ang yin energy ng Year of the Wood Snake ay lumilikha ng isang kapaligiran para sa pagpapagaling at pagtuklas sa sarili.
Ito ay isang panahon upang harapin ang mga natitirang emosyonal na sugat, muling itaguyod ang mga relasyon, at bigyan ng prayoridad ang mental at pisikal na kalusugan.
Hinihikayat ng taon na ito ang pagninilay, pagmumuni-muni, pagsusulat, at pagtuklas ng mga malikhaing gawain.