
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado na mas madali nang makakakuha ng electricity subsidies ang mga pamilyang mababa ang kita at nasa laylayan ng lipunan.
Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na pinadali rin ang proseso ng aplikasyon para sa Net-Metering Program, na nagbibigay-daan sa mga kabahayan na maglagay ng solar panels at maibenta ang sobrang kuryente sa grid nang mas mabilis.
Ayon sa Pangulo, matagal nang hindi lubos na nagagamit ang Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP) para sa mga mahihirap at marginalized households dahil sa komplikadong requirements.
Noong Nobyembre 2025, humigit-kumulang 334,000 lamang ang nakarehistro sa LRSP, o halos 11% lamang ng tinatayang tatlong milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Dagdag pa ni Marcos na ngayong buwan, ipatutupad, kasama ng distribution utilities o DU, ang automatic registration ng lahat ng benepisyaryo ng 4Ps sa ilalim ng LRSP.
Ani Marcos, magiging mas patas din ang bagong lifeline consumption threshold, kung saan ang mga benepisyaryo ng 4Ps na may buwanang konsumo ng kuryente na 50 kilowatt-hours (kWh) o mas mababa ay makakakuha ng 100% diskwento.
Ang mga pamilyang hindi saklaw ng 4Ps ngunit kabilang sa poverty threshold at may minimal na konsumo ng kuryente ay maaari ring magparehistro sa LRSP.
Upang mapabilis ang aplikasyon, pumirma ang DOE, Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Joint Memorandum Circular para gumamit ang mga lokal na pamahalaan ng standardized application forms at sumunod sa itinakdang turnaround time.
Inutos din ng ERC sa mga distribution utilities na tapusin ang interconnection process sa loob ng 20 working days mula sa pagtanggap ng letter of interest, dagdag pa ng Pangulo.










