Raquel Fernandez

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in physical injury and damage to property ang driver ng pampasaherong bus na bumangga sa isang motorcycle rider sa bayan ng Sta Ana.

Kinilala ang suspek na driver ng Florida bus na si Wilfrey Baltazar, 37-anyos at residente sa bayan ng Amulung.

Ayon kay PMAJ Manuel Viloria, hepe ng PNP-Sta Ana na pasado alas 9:00 ng umaga nitong Lunes nang sinubukang mag-overtake ng Florida bus na biyaheng Maynila sa pakurbadang bahagi ng lansangan sa Brgy Rapuli kaya bumangga ito sa kasalubong na motorsiklo na minaneho ni Richard Viernes, 45-anyos ng Brgy. Cataggamman Viejo at papasok na sana sa kanyang trabaho sa Sta-Ana proper.

Dagdag pa ni Viloria na kapwa iniwasan ng dalawang driver ang isat-isa subalit nagpang-abot ang mga ito sa outer lane ng lansangan kung saan pumailalim sa bahagi ng bumper ng bus si Viernes na noon ay nakasuot ng helmet.

Kaagad namang naisugod ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan para sa paunang lunas sa tinamong mga sugat at galos sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan at kalaunan ay inilipat sa Tuguegarao City para sa karagdagang atensyong medikal.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Viloria na human error ang nakikitang dahilan ng nangyaring aksidente kung saan ipinagbabawal sa mga motorista ang mag-overtake sa pakurbang bahagi ng lansangan.

Samantala, agad namang nailipat sa ibang bus ang mga pasahero ng suspek.