TUGUEGARAO CITY-Hinimok ng namamahala sa Tuguegarao Catholic Cemetery sa Barangay Pengue Ruyu ang publiko na bumisita na sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Ayon kay Norberto Guiquing, caretaker na wala pang nagtutungo sa sementeryo maglinis na sa mga puntod sa kabila ng kautusan ng Covid 19 Inter-Agency Task Force na isasara ang lahat ng sementeryo at mga columbarium sa buong bansa simula sa Oct. 29 hanggang sa Nov. 4 bilang bahagi ng pag-iingat sa pagkalat ng nakakahawang virus.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ginoong Guiquing, bukas ang sementeryo sa mga maagang dadalaw sa libingan ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay, kailangan lamang na sumunod sa mga umiiral na protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing para maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Iwasan din aniyang magdala ng mga nakalalasing na inumin at magsugal sa loob ng sementeryo habang ang panlinis lamang na patalim ang maaaring ipasok.
Una rito, inihayag ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na bago at pagkatapos isara sa araw ng mga patay ang mga sementeryo ay 30 percent lamang ang papayagang pumasok para maiwasan ang pagkukumpulan sa mga puntod.
Paalala pa ng alkalde sa mga magtutungo sa mga sementeryo na kailangan pa rin na kumuha ng residential covid shield control pass na kailangang ibalik sa kanilang barangay sa loob ng tatlong oras.
Napag-alaman na nagsimulang mag-operate ang Tuguegarao Catholic Cemetery noong panahon pa ng kastila kung saan ito ang pinakamalawak na semeteryo sa lungsod sa sukat na pitong ektarya.
Ayon kay Guiquing na ilan sa promenenteng tao na nakalibing sa naturang sementeryo ay si dating Governor Rodolfo Aguinaldo, angkan ng pamilya Perez ng UCV at marami pang iba. with reports from Bombo Marvin Cangcang