
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang natagpuang sunog na bangkay ng isang babae sa Purok 5 Dayug, Barangay Maddiangat, Quezon, Nueva Vizcaya.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula kay Barangay Captain Danilo Cabading hinggil sa nadiskubreng bangkay.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga rumespondeng pulis at kinumpirma ang presensya ng bangkay ng isang babae.
Sinabi nina Robert Juvinal Candelario at ng kanyang asawa na naglalakad sila kasama ang kanilang mga aso nang may maamoy ang isa sa mga ito at dinala sila sa kinaroroonan ng sunog na bangkay.
Kaagad nilang iniulat ang insidente sa kapitan ng barangay, na siya namang nagbigay-alam sa pulisya.
Nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng barangay para sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon sa pulisya, hindi naman nagtagal ay isang tricycle driver ang kumilala sa bangkay na anak umano niya, na isa ring estudyante at nawawala mula pa noong Martes.
Sinabi umano ng ama sa pulisya na naging palatandaan nito ang suot na pantalon ng bangkay, pati na ang sapatos at medyas.










