Kinontra ni Manny Pacquiao ang pahayag ni Floyd Mayweather Jr. na exhibition lamang ang nakatakda nilang rematch sa Setyembre 19.

Sa pagdating ni Pacquiao sa Los Angeles, sinabi niyang malinaw na totoong laban ang kontratang kanilang pinirmahan.

Iginiit niya na hindi siya papayag na lumaban kung exhibition lamang.

Sinabihan din niya si Mayweather na dapat alalahanin niya ang pinirmahan niyang kontrata.

Noong nakaraang buwan, inanunsyo ng dalawang boxing legends ang inaabangang rematch matapos ang kanilang laban noong 2015.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa unang ulat, inaasahang gaganapin ito sa Sphere sa Las Vegas at ipapalabas sa Netflix.

Gayunman, sa isang panayam, sinabi ni Mayweather na exhibition lamang ang laban at hindi ito bibilang sa kanilang professional records.

Aniya, ginagawa niya ito para magbigay-aliw sa publiko habang nag-eenjoy sa kanyang oras kasama ang pamilya.

Samantala, nasa Los Angeles si Pacquiao upang suportahan ang laban ng kanyang anak na si Jimuel Pacquiao, na kabilang sa undercard ng IBF minimumweight title fight nina Pedro Taduran at Gustavo Perez Alvarez.