Muling pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pagdududa ng publiko sa kakayahan ng gobyerno na panatilihin ang programang Benteng Bigas Meron Na.
Sa kaniyang vlog, sinabi ni Pangulong Marcos na kumpiyansa siyang mapapanatili ang ₱20 rice program basta’t magtutulungan ang lahat.
Titiyakin din aniya ng pangulo na hindi mauubusan ng ibebentang murang bigas ang gobyerno na malaking tulong sa mga Pilipino.
Matatandaang pinalawak pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Benteng Bigas Meron Na sa buong bansa, kung saan mabibili ito sa mga Kadiwa ng Pangulo outlets at Walang Gutom program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bahagi ito ng pangako ni Pangulong Marcos na gawing mas abot-kaya ang pagkain at mabawasan ang pasaning pinansyal ng mga mahihirap, habang sinusuportahan din ang mga magsasaka na mapanatili ang produksyon ng bigas sa bansa.