Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palalawakin ang mga oportunidad sa promosyon para sa mga karapat-dapat na guro sa pampublikong paaralan upang matulungan silang makamit ang mas matatag na kalagayang pinansyal.

Sa kanyang talumpati sa oath-taking ng 2,915 na promoted teachers at school headmula sa National Capital Region na ginanap sa Makati Coliseum, sinabi ni Marcos na palalawakin ng pamahalaan ang career paths ng mga guro sa pamamagitan ng estratehikong reclassification.

Aniya, sa paglikha ng mas maraming mataas na posisyon, mabibigyan ng pagkakataon ang mga beteranong guro na umangat batay sa merito, at sabay na makapagbukas ng mga bagong entry-level na posisyon para sa mga bagong graduate.

Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang panunumpa, na nasaksihan ng Pangulo kasama si Makati City Mayor Nancy Binay.

Isinagawa ang mga promosyon sa pamamagitan ng isang pinabilis na proseso na pinagsama ang mga appointment sa natural vacancies at position reclassification sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) framework.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, agad na natugunan ng Department of Education (DepEd) ang matagal nang backlog sa promosyon sa iba’t ibang dibisyon sa NCR.

Sa kabuuang 2,915 na na-promote, 2,186 ang umangat sa pamamagitan ng natural vacancies, habang 729 naman ang na-promote sa ilalim ng ECP reclassification.