Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Middle East kasunod ng inilunsad na airstrikes ng Israel at Estados Unidos laban sa Iran.

Sa isang pahayag na inilabas sa X, sinabi ng Pangulo na nakatanggap na ang pamahalaan ng mga ulat hinggil sa pag-atake at kasalukuyan pang kumukuha ng karagdagang impormasyon.

Binigyang-diin niya na pangunahing prayoridad ang seguridad ng mga Pilipino sa Iran at iba pang bahagi ng Middle East.

Ayon sa DFA, wala pang naitalang Pilipinong nasaktan o naapektuhan ng tensyon sa ngayon. Tiniyak din ng ahensya na nakahanda ang mga embahada upang tumulong sa mga kababayan, at patuloy ang paalala sa mga Pilipino na manatili sa kanilang tahanan o sa ligtas na lugar at iwasan ang pagpunta sa mga pampublikong lugar.

Sa United Arab Emirates, hinikayat ng Philippine diplomatic mission ang mga Pilipino na manatiling kalmado at subaybayan lamang ang mga opisyal na abiso mula sa pamahalaan ng UAE at sa Philippine Embassy o Consulate General.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan din silang manatili sa loob ng bahay at iwasan ang hindi kinakailangang paggalaw sakaling may hindi pangkaraniwang insidente.

Sa Tel Aviv, pinayuhan ng Philippine Embassy ang mga Pilipino na manatili sa loob ng bahay at maging handa kung kinakailangang magtungo sa mga evacuation shelter.

Tinatayang may hindi bababa sa 30,000 Pilipinong manggagawa sa Israel, karamihan ay caregivers, at mahigit 1,000 naman sa Iran.

Naglabas din ng kaparehong abiso ang Philippine Embassy sa Kuwait, na nananawagan sa mga Pilipino na manatili sa bahay o sa ligtas na lugar, iwasan ang mga hindi mahalagang biyahe, tiyaking laging may sapat na charge ang kanilang mga mobile phone, at huwag magpakalat ng maling impormasyon.