
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang lumalalang sitwasyon sa Gitnang Silangan ay may direktang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ang paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay nagdudulot ng pagtaas sa gastos sa kuryente at presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Nagbabala ang Pangulo na ang pagsasara ng Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang daanan ng langis sa mundo, ay maaaring magdulot ng matinding pagkagambala sa suplay ng langis at lalong magpataas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Batay sa kasalukuyang galaw ng merkado, inaasahang magkakaroon ng panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo:
•Gasolina: tinatayang tataas ng humigit-kumulang ₱7.48 kada litro
•Diesel: tinatayang tataas ng humigit-kumulang ₱17.28 kada litro
Narito ang mga ipapatupad na hakbang ng pamahalaan sa nasabing krisis:
- Posibleng Pagbawas ng Excise Tax sa Langis
Hihiling ang Pangulo sa Kongreso ng pansamantalang kapangyarihan upang mabawasan ang excise tax sa produktong petrolyo sakaling umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. - Pag-amyenda sa Biofuels Act of 2006
Isinusulong ng pamahalaan ang pag-amyenda sa batas upang palawakin ang paggamit ng bioethanol, na makakatulong sa pagbawas ng gastos sa fuel at sa pagdepende sa imported na langis. - Fuel Subsidy at Cash Transfer
Magpapatupad ang pamahalaan ng fuel subsidy at cash transfer programs upang tulungan ang mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis. - Mahigpit na Price Monitoring
Paiigtingin ng pamahalaan ang monitoring ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo upang matiyak na walang abusong pagtaas ng presyo sa merkado. - Pagpigil sa Hoarding at Profiteering
Mahigpit na babantayan at papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mapapatunayang nagsasagawa ng hoarding at profiteering sa gitna ng krisis. - 4-Day Work Week sa Ilang Ahensya ng Pamahalaan
Simula Marso 9, 2026, ipatutupad ang apat na araw na work week sa ilang tanggapan sa Executive Department upang makatipid sa konsumo ng enerhiya.
Hindi kabilang dito ang mga frontline offices, pulisya, at militar. - Austerity Measures sa Pamahalaan
Magpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapababa ng hanggang 20% ang konsumo sa gasolina at kuryente sa mga tanggapan ng gobyerno. - Moratorium sa Ilang Aktibidad ng Pamahalaan
Pansamantalang ipatutupad ang moratorium sa study tours, team building activities, at mga pisikal na pagpupulong na maaari namang isagawa sa pamamagitan ng online platforms. - Pagbabantay sa Kalagayan ng mga OFW sa Gitnang Silangan
Patuloy na mino-monitor ng Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Workers sa rehiyon. - Repatriation ng mga Pilipino
Sinimulan na ng pamahalaan ang repatriation ng mga Pilipino mula sa mga apektadong lugar, at tiniyak ng Pangulo na lahat ng nais umuwi ay tutulungan ng pamahalaan sa sandaling maging ligtas ang paglalakbay.










