
Nagpaabot ng pakikiramay si President Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng isang Pilipina na nasawi sa missile attack sa Haifa, Israel, at nangakong magbibigay ng tulong sa mga naulila.
Tiniyak ng Pangulo ang agarang repatriation ng mga labi ng biktima at inatasan ang mga ahensya ng gobyerno na magbigay ng buong suporta sa pamilya.
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na nasawi ang Pinay noong Abril 5 matapos tamaan ng missile ang isang tirahan sa Haifa. Nasawi rin ang kanyang asawang Israeli at mga biyenan. Humiling ng privacy ang pamilya ng biktima.
Nagbibigay na rin ng tulong ang Philippine Embassy in Tel Aviv para sa repatriation at iba pang pangangailangan ng pamilya.
Samantala, nagpaabot din ng pakikiramay ang Embassy of the State of Israel sa pamilya at sa komunidad ng mga Pilipino.
Naganap ang insidente sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East kasunod ng sagupaan ng Israel at Iran, kung saan una nang nasawi ang Pinay caregiver na si Mary Ann Velasquez de Vera sa hiwalay na missile attack.










