
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na gumagaling na siya matapos na ma-diagnose ng diverticulitis kamakailan, na taliwas sa mga haka-haka na bumabagsak na ang kanyang kalusugan.
Sa kanyang pinakahuling vlog episode, makikita na bahagyang pumayat si Pangulong Marcos.
Ayon sa kanya, nagre-recover na siya sa kanyang sakit, at wala umanong nakita seryoso sa kanyang sakit, at kailangan lamang umano niyang magpalakas.
Sinabi niya na namayat na siya dahil sa sabaw lang ang ibinibigay sa kanya araw-araw.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na mabuti na rin ito dahil sa para lang siyang nagdi-diyeta.
Ang diverticulitis ay isang kondisyon na nakaaapekto sa digestive system.
Ito ay nagiging sanhi ng problema sa bowel movements at maaaring maging sanhi ng matindi at pabigla-biglang sakit sa tiyan.
Sinabi ng mga doktor na hindi delikado ang nasabing kundisyon at karaniwan ito sa mga may edad na nakakaranas ng stress.
Matatandaan tumanggi ang Malacañang na maglabas ng medical bulletin sa health status ni Marcos, sa kabila ng panawagan ng publiko.










