
Kinumpirma ng Iran ang pagkamatay ng kanilang national security chief na si Ali Larijani matapos ianunsyo ng Israel na nasawi ito sa isang airstrike.
Malaking dagok ito sa Iran kasunod ng pagkamatay ng dating supreme leader na si Ali Khamenei sa magkasanib na pag-atake ng Estados Unidos at Israel kamakailan, na naging mitsa ng lumalalang digmaan sa Gitnang Silangan.
Sa gitna ng tensyon, ipinahayag ng Israel na target din nitong tugisin ang bagong itinalagang supreme leader na si Mojtaba Khamenei, anak ng yumaong lider.
Samantala, nagbabala ang mga opisyal ng Iran na hindi agad babalik sa normal ang galaw ng mga barko sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan ng langis.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Donald Trump matapos hindi umayon ang ilang kaalyado sa panawagan nitong tumulong sa pag-escort ng mga oil tanker sa naturang ruta.
Patuloy ang opensiba ng Israel sa mga target na may kaugnayan sa Iran, kabilang ang mga posisyon ng Basij paramilitary force sa paligid ng Tehran. Kabilang sa mga napaulat na nasawi si Gholamreza Soleimani, na kinumpirma rin ng Iran.
Iniulat din na tinarget ng Israel si Akram al-Ajouri, pinuno ng armadong sangay ng Palestinian Islamic Jihad, sa isang pag-atake sa Iran.
Sa kabila ng mga pag-atake, nagtipon ang malalaking grupo ng mga mamamayan sa Tehran at iba pang lungsod bilang pagpapakita ng suporta sa pamahalaan, kasabay ng pagdiriwang ng Nowruz, bagamat naging limitado ang selebrasyon dahil sa umiiral na tensyon.
Inaasahang isasagawa ang libing nina Larijani at Soleimani sa gitnang bahagi ng Tehran.
Patuloy na umiigting ang sigalot sa rehiyon, habang kinukondena ng ilang bansa ang serye ng targeted killings na isinasagawa ng Israel laban sa mga lider ng mga kalabang grupo.










