TUGUEGARAO CITY- Lalo pa umanong hihigpitan ng PNP Baggao,Cagayan ang pagbabantay kasunod ng pagkakahuli sa dalawang hinihinalang miembro ng ISIS kamakailan.
Sinabi ni Police Major Rodel Tabulog, hepe ng PNP Baggao na ito ang kanilang ipinangako sa isinagawang peace and order council meeting matapos na mangamba sa kanilang seguridad ang mga mamamayan ng nasabing bayan.
Sinabi ni Tabulog na paiigtingin din nila ang kanilang intelligence gatherings upang matukoy ang iba pang indibidual o grupo na may mga illegal activities sa kanilang nasasakupan.
Samantala,sinabi ni Tabulog na ang mga nahuli na sina Alter at Greg Cariaga dahil sa pag-iingat ng mga baril at bala, improvised explosive device at watawat ng ISIS ay converted muslim.
Ayon sa kanya, sila ang bumuo ng muslim community sa Baggao.
Kaugnay nito, sinabi ni Tabulog na iniimbestigahan pa ng mga otoridad kung may kaugnayan ang dalawa sa ISIS terrorist group.