Binati ni Pope Leo XIV si Cardinal Jose Advincula sa ika-50 anibersaryo ng kanyang priestly ordination at ika-25 anibersaryo ng kanyang pagka-episkopal, kasabay ng panalangin ng Santo Papa na patuloy niyang gampanan ang kanyang ministeryo nang may katapatan at pagsunod.

Ang liham ng Santo Papa para kay Advincula ay ibinahagi ng Manila Cathedral ngayong araw.

Si Advincula ang kasalukuyang ika-33 arsobispo ng Maynila at nagsilbi bilang miyembro ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines for the Doctrine of Faith and Indigenous Peoples.

Sa kanyang liham-pagbati, sinabi ni Pope Leo XIV ang pasasalamat sa mahabang taon ng pastoral mission sa mga komunidad ng simbahan na ipinagkatiwala kay Advincula, at sa kanyang masigasig na paglilingkod sa CBCP at sa iba’t ibang Dikasteryo ng Apostolic Sede.

Nagpaabot rin ng kanyang basbas ang Santo Papa para sa mga clergy, mga mananampalataya, at mga mahal sa buhay ni Advincula.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Vatican Press, naordenahan si Advincula bilang pari para sa Archdiocese of Capiz noong Abril 14, 1976.

Nagsilbi siya bilang spiritual director, propesor, at dean of studies sa Saint Pius X Seminary.

Nag-aral siya ng sikolohiya sa De La Salle University at batas kanoniko sa University of Santo Tomas at Pontifical University of Saint Thomas Aquinas kung saan nakuha niya ang licentiate sa canon law.

Noong 1995, naging rektor siya ng Saint Pius X Seminary at noong 1999 naman ay pastor ng Santo Tomas de Villanueva Parish.

Itinalaga si Advincula bilang obispo ng San Carlos noong Hulyo 25, 2001 at tinanggap ang kanyang pagka-episkopal noong Setyembre 8 ng parehong taon.

Itinalaga siya ni yumaong Pope Francis bilang kardinal noong Nobyembre 28, 2020 at bilang arsobispo ng Maynila noong Marso 25, 2021.