Hiniling na ng pamahalaan sa Iran na ibilang ang bansa na isang “non-hostile country” at tiyakin ang safe passage ng Philippine-flagged vessel sa Strait of Hormuz sa gitna ng mga tensyon sa Middle East.

Sinabi ni Press Secretary Claire Castro, ito ay mahalaga para sa proteksyon ng ating seafarers at sa ating energy supply.

Ayon sa kanya, isinasapinal na ng Department of Energy ang mga kailangang mga detalye para sa agad na transmission.

Ito ay kasunod ng pulong nina Foreign Affairs chief Tess Lazaro at Energy Secretary Sharon Garin kay Iranian envoy Yousef Esmaeilzadeh.

Sinabi ni Castro na si Lazaro ang humiling ng safe passage sa kanilang pulong, na inilarawan nila na maayos at bukas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Castro, ipununto ni Ambassador Esmaeilzadeh na naghihintay sila na makipag-ugnayan ang pamahalaan at pinagtibay ang kanilang kahandaan na tulungan ang ating bansa sa nasabing kahilingan.

Matatandaan na sinimulan ng Iran ang pagharang sa Strait of Hormuz nitong buwan ng Marso.

Idinagdag pa ni Castro na inaasahan na makikipagpulong si Lazaro sa foreign minister ng Iran ngayong araw na ito para personal na iparating ang nasabing kahilingan.